
Alam niyo ba na November ang buwan para sa inyong bata? Ito ay National Children’s Month! Ang buwan na ito ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng inyong mga karapatan bilang bata. Oo, may mga karapatan kayo, at hindi lang ito basta-basta; mahalaga ito para maging masaya ang inyong kabataan at lumaki kayo nang maayos.
Ang mga karapatang ito ay hindi basta binigay lang; ginawa ang mga ito para siguraduhing ligtas kayo, masaya, at maayos ang inyong kalagayan. Isa itong pangako na ginawa ng buong mundo para sa inyo. Ang tawag dito ay ang United Nations Convention on the Rights of the Child (UNCRC). Pero sa simpleng salita, ibig sabihin nito: Karapatan niyo na mahalin, alagaan, at bigyan ng pagkakataon na abutin ang inyong mga pangarap.
Ano-ano nga ba ang mga Karapatan niyo?
- Karapatang Mabuhay: Karapatan mong maging malusog at makakain nang sapat at masustansyang pagkain, uminom nang malinis na tubig, at makakuha nang tamang pangangalaga sa kalusugan, at tumira sa isang ligtas na tahanan na may pamilyang mag-aaruga at magmamahal sa iyo.
- Karapatang Umunlad: Ito ang iyong karapatan sa isang pamantayan ng pamumuhay na sapat para sa iyong pisikal, mental, espiritwal, moral, at panglipunang pag-unlad.
- Karapatang Maprotektahan: Karapatan mong mamuhay sa isang ligtas at mapagkalingang kapaligiran na nagtataguyod ng iyong kagalingan. Karapatan mo ring maprotektahan mula sa lahat ng anyo ng pagmamaltrato, diskriminasyon, at pagsasamantala.
- Karapatang Maisali’t Mapakinggan: Karapatan mo bilang bata na marinig at ipahayag ang kanilang pananaw sa mga usaping may epekto sa iyo. Ang karapatang ito ay sumasaklaw sa lahat ng aspeto ng iyong buhay bilang bata, kabilang ang panlipunan, pampulitika, panghukuman, at pang-administratibong mga usapin.
Bakit Mahalaga ang Araw na Ito?
Ang National Children’s Month ay pagpapaalala sa lahat na kayo mga bata ay ang saya at pag-asa ng bawat pamilya. Ang inyong kasiyahan at kaligtasan ay responsibilidad naming lahat. Alamin ang inyong mga karapatan, at kung pakiramdam niyo na may hindi tama, huwag kayong mag-atubiling mag salita.
Maraming handang tumulong, kabilang na ang ChildFund Philippines. Sa pamamagitan ng aming mga programa tulad ng Project ENHANCE, ginagawa namin ang lahat upang matiyak na bawat bata ay lumalaking malusog, may oportunidad na mamuhay nang may dignidad at maabot ang kanilang buong potensyal.
Mayroon din kaming Building Children and Youth Agency (BCYA) program, kung saan binibigyan namin ng kaalaman at kakayahan ang mga kabataan upang maging aktibong miyembro ng kanilang komunidad. Sa programang ito, natututo silang ibahagi ang kanilang mga saloobin at ideya, nagbibigay ng mas malaking boses para sa kanilang henerasyon.
Ilan lamang ito sa aming mga proyekto at programa na nakatuon sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga bata at kabataan sa buong bansa. Sa lahat ng aming ginagawa, nananatili ang aming layunin: ang lumaki ang mga batang ligtas, malusog, may kaalaman, at may abilidad.
Paano Mo Pwedeng I-celebrate ang National Children’s Month?
Maraming paraan para gawing makabuluhan ang buwan na ito, at lahat ay pwedeng magsimula sa simple ngunit makapangyarihang hakbang. Una sa lahat, pwede mong ibahagi ang mga natutunan mo tungkol sa karapatan ng mga bata. Ang kaalaman ay mahalaga—ang pagbahagi nito sa mga kaibigan, kapatid, o kaklase ay makakatulong para mas maraming bata ang makaalam na sila ay may karapatan.
Pwede mo rin gamitin ang pagkakataong ito para magtanong sa mga guro, magulang, o nakatatanda tungkol sa karapatan ng mga bata. Sila ang una ninyong matatakbuhan kung may hindi kayo nauunawaan o kung may tanong kayo sa inyong sitwasyon. Halimbawa, itanong mo sa kanila kung paano nila nasisiguro na natatamasa mo ang karapatang mag-aral, maging malusog, at maglaro.
Sama-sama nating siguraduhin na bawat bata ay may alam tungkol sa kanilang mga karapatan.
Tandaan: Importante ka. Ang mundo ay mas maganda dahil nandito ka.
Maligayang Buwan ng mga Bata!

